Hindi term extension kundi amendment sa party list system sa ilalim ng 1987 constitution.
Ito ayon kay Senate President Vicente Sotto III, ang nais ng Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna na rin ng mga ispekulasyon sa pagbuhay ng Charter Change sa Kamara.
Sinabi ni Sotto, na gusto ng pangulo na maresolba na ang problema sa CPP-NPA at ang pagbuwag sa party list system o pagpapalit nito sa konstitusyon ang nakikita niyang paraan kayat dapat anitong magpatawag na ng constituent assembly at amiyendahan na ito.
Inihayag ni Sotto, na walang binabanggit na term limit o extension of terms o maging no election ang Pangulong Duterte at tanging ang CPP-NPA issue ang pinag-iinitan nito dahil naniniwala siyang ilang miyembro ng Kamara partikular ang makabayan bloc ay symphatizers o konektado sa rebeldeng grupo.
Ang dating sa kanya aniya nito ay mas mabuting burahin na ang party list system sa konstitusyon.
Ipinabatid ni Sotto, na ang pulong nila sa pangulo kasama ang ilang kongresista, senador at mga opisyal ng AFP ay nangyari dalawang buwan na ang nakakalipas. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)