Haharapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tinatayang 2,500 overseas Filipino workers sa Hong Kong bago ito umuwi ng Pilipinas.
Gabi ng Martes nang dumating sa Hongkong ang Pangulo mula sa kanyang pagdalo sa Boao Forum for Asia sa Hainan, China.
Inaasahang mag-uulat ang Pangulo sa Filipino community hinggil sa mga kaganapan sa Pilipinas at makikinig sa mga hinaing ng mga OFWs.
Mula sa Hong Kong ay diretso nang uuwi ang Pangulo sa Davao City sa Huwebes ng gabi.
Ngayong araw na ito, ang tanging schedule ng Pangulo ay ipasyal sa Disneyland ang apong si Stingray, ang bunsong anak ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakasama sa international delegation ng Pangulo ang anak na si Mayor Sara.
Chinese President Xi Jinping, bibisita sa bansa sa Nobyembre
Samantala, bibisita naman sa bansa si Chinese President Xi Jinping sa Nobyembre ng taong ito.
Didiretso ng Pilipinas ang Pangulo ng China pagkatapos nitong dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Papua New Guinea.
Unang umapak sa Pilipinas si Xi noong november 2015 nang ganapin sa bansa ang APEC Summit sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Ngayong abril ay katatapos lamang dumalaw ng Pangulong Rodrigo Duterte sa China para dumalo sa Boao Forum.
Noong Mayo ng nakaraang taon, ang partner na si Honeylet at anak na si Kitty ang ipinasyal ng Pangulo sa Disneyland bago dumalo sa World Economic Forum sa Cambodia.