Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na kakanselahin nito ang Visiting Forces Agreement (VFA) kapag nabigo ang Estados Unidos na agarang ipagkaloob ang 20 million doses ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Pang. Duterte, kung nais ng Amerika na tumulong, dapat na itigil na nito ang anumang walang saysay na pahayag, at ibigay na ang bakuna, dahil ito ang kailangan ng Pilipinas.
Sinabi ng Punong Ehekutibo, batid nya na mahalaga sa Estados Unidos ang VFA na malapit na aniyang matapos at kapag hindi umano s’ya pumayag na mapalawig pa ito, tiyak na aalis aniya sa Pilipinas ang mga Amerikanong sundalo.
Giit ng Pangulo, kung hindi sila makakapag-deliver ng kahit na minimum na 20 million vaccines, wala aniya silang karapatan na manatili dito sa bansa.
Pinalalahanan naman ni Pangulong Duterte ang publiko na wag maniwala sa sinasabi ng Amerika na agad nitong maidi-deliver ang COVID -19 vaccine sa Pilipinas dahil mismong sa loob nga aniya ng kanilang bansa ay wala pa itong naibibigay na bakuna para sa kanilang mga mamamayan doon.