Handang magbitiw sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling mabigyan siya ng affidavit na magdidiin sa kanyang anak na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte hinggil sa isyu ng katiwalian sa BOC o Bureau of Customs.
Ayon sa Pangulo kailangang maglabas ng ebidensya na oral at documentary ang mga nag-aakusa kung totoong sangkot ang kanyang anak sa korapsyon.
Kamakailan ay idinawit ng customs broker na si Mark Taguba ang pangalan ng Vice Mayor bilang isa sa mga umano’y opisyal ng gobyerno na tumatanggap ng “lagay” mula sa smugglers.
Itinanggi naman agad ito ni Paolo Duterte gayung sinabi ni Taguba na isa lang itong usap-usapan.
Nauna rito, sinabi ni Pangulong Duterte na handa siyang mag-resign sakaling mapatunayang totoo ang mga alegasyon laban sa kaniyang anak.
By Arianne Palma