Hindi interesado si Pangulong Rodrigo Duterte na dumalo sa 12th Asia-Europe meeting sa Brussels, Belgium sa Oktubre 18-19.
Ito ang binigyang diin ni Pangulong Duterte sa kabila ng imbitasyon ni European Union Ambassador to the Philippines Franz Jessen na bumisita sa Europa.
Aminado ang punong ehekutibo na gastos lang ang pagbiyahe sa Europa at hindi rin niya gusto ang paraan ng pakiki-tungo ng mga Europeo sa mga Filipino.
Iginiit din ni Pangulong Duterte na hindi niya nais makipag-usap sa mga European leader dahil kailanman ay hindi natigil ang pagiging imperyalista ng mga ito.
Kung ipipilit anya ng mga Europeo na sila ang laging tama at sundin ng ibang bansa ang kanilang mga paniniwala at polisya ay walang dahilan upang mag-usap.
Maka-ilang beses ng sinusupalpal at pinagmumura ni Pangulong Duterte ang EU dahil sa batikos nito sa war on drugs sa Pilipinas.