Tiniyak ng Malakanyang na mananagot at hindi kukunsintihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na umaabuso sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ito ay inihayag ng Malakanyang matapos mapatay ng mga pulis ang isang 17 gulang na Grade 11 student sa Caloocan City sa ginawang simultaneous anti-drug operation sa Metro Manila.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, malinaw ang pahayag ni Pangulong Duterte na susuportahan niya ang pulisya sa pagtupad ng kanilang tungkulin laban sa krimen at iligal na droga basta naaayun sa proseso ng batas.
Sinabi pa ni Abella na nagsasagawa na ng kaukulang imbestigasyon ang Internal Affairs Service ng PNP o Philippine National Police sa mga posibleng pagmamalabis ng mga pulis sa kanilang mga ginawang anti-drug operations.
Batay sa ulat, may mga natanggap na reklamo laban sa pang-aabuso ng mga pulis na nagsagawa ng one-time big time anti drug operation sa Bulacan, Maynila at Caloocan City.