Nilinaw ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi sa kanya galing ang desisyon na tuluyan nang tanggihan ang dalawandaang (200) dolyar na financial aid mula sa European Union (EU).
Ayon sa Pangulo, ito ay batay sa rekomendasyon mismo ni Finance Secretary Carlos Dominguez.
Ipinaliwanag ng Pangulo na kapalit umano ng naturang tulong ng EU ay dapat umanong i-promote ng Pilipinas ang human rights law at order sa bansa.
Matatandaang ikinagalit ng Pangulong Duterte ang ginawang panghihimasok ng EU sa mga panloob na usapin ng bansa at ang pagbatikos sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Maliit lang umano ang mawawala sa bansa matapos tanggihan ang foreign aid ng EU
Napakaliit lamang ng tinatayang 16 billion pesos na mawawala sa bansa matapos magpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na tanggihan ang ibinibigay na foreign aid ng EU o European Union.
Ayon kay Senador Cynthia Villar, mahirap tanggapin ang binibigay na ayuda kung hindi kayang matugunan ng Pilipinas ang ipapataw na kondisyon ng EU.
Sinabi pa ni Villar na mahirap din kung ang mga naturang kondisyon ay may layuning impluwensyahan ang Pilipinas.
By Ralph Obina / Meann Tanbio | With Report from Cely Bueno