Humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa 22 mangingisdang Pinoy na sakay ng binanggang bangka ng Chinese vessel sa Recto Bank.
Gayunman, pinandigan pa rin ng pangulo ang kanyang naunang pahayag na isang maritime incident lamang ang nangyari.
Ayon kay Pangulong Duterte, humihingi siya ng paumanhin kung nadismaya ang 22 mangingisdang Pinoy pero batid naman aniya ng lahat na ang Recto Bank na bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas ay inaangkin din ng China.
Binigyang diin pa ng pangulo na hindi niya minamaliit ang pinagdaanan ng mga nabanggit na mga mangingisda pero mabuti na lamang din aniyang walang namatay sa pangyayari.
Dagdag ni Pangulong Duterte, kung nais gumanti ng mga ito sa nangyari, hindi maaari sa paraan kung saan magkakaroon ng military exercises sa lugar dahil mauuwi lamang aniya ito sa giyera.