Umapela si Pangulo Rodrigo Duterte sa publiko na iwasan muna ang mga party at iba pang pagtitipun-tipon ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ito aniya ay upang mabawasan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa buong bansa.
Ayon kay Pangulong Duterte, makabubuti hindi lamang sa pansariling kapakanan kundi maging ng komunidad at buong bansa kung iiwasan muna ng lahat ang maramihang pagdiriwang.
Aniya, mabilis ang hawaan ng sakit sa mga pagtitipon-tipon at kasiyahan na dadaluhan ng marami.
Binigyang diin ni Pangulong Duterte, marami nang nakaraang Christmas parties na dinaluhan ang mga Pilipino at ngayon lamang aniya makikialam ang pamahalaan para pigilan ito.
Una rito, tiniyak ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na inihahanda na ng mga lgus at health officials ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standards at quarantine protocols ngayong kapaskuhan.
Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na mayroon na silang inihahandang contingency plan, sakaling sumirit ang kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong holiday season.