Inimbitahan ng Commission on Elections si Pangulong Rodrigo Duterte sa proklamasyon ng 12 nanalong senador na gaganapin sa Philippine International Convention Center, mamayang hapon.
Ito ang kauna-unahang beses na nag-imbita ng Pangulo ang COMELEC upang saksihan ang proklamasyon ng mga nagwaging kandidato sa May 9 elections.
Pinadalhan din ng Poll body ng imbitasyon sina Vice President Leni Robredo, Senate President Vicente Tito Sotto III, House Speaker Lord Allan Velasco at Chief Justice Alexander Gesmundo.
Gayunman, aminado si COMELEC commissioner George Garcia na hindi nila tiyak kung makadadalo ang mga nasabing opisyal lalo’t mayroon ding ‘prior engagements’ ang mga ito.
Batay sa regulasyon ng Poll body, ang bawat ipoproklamang senador ay maaaring magsama ng limang indibidwal at ang dress code para sa mga bisita at nanalong kandidato ay kasuotang Pilipino.
Hindi na rin oobligahin ng COMELEC ang mga dadalo na magpakita ng negative antigen o RT-PCR test pero dapat ay mayroong vaccination card.