Inamin ng Pangulong Rodrigo Duterte na bumalik ang operasyon ng iligal na droga sa New Bilibid Prisons o NBP sa kabila nang mahigpit na pagbabantay ng mga miyembro ng PNP-SAF o Philippine National Police-Special Action Force.
Sinabi ng Pangulo na kahit anong gawin ay nakakalusot pa rin ang illegal drugs operations ng Chinese drug lords.
Ayon sa Pangulo nabuhay ang negosyo sa loob ng NBP dahil posibleng nakapasok na naman ang cellphone sa loob ng kulungan kahit namatay na ang ilang drug lord.
Maging sa Davao Penal Colony aniya ay lumabas sa tracking ng mga awtoridad ang tatlong (3) presong nagnenegosyo ng iligal na droga.
Nagbabala pa ang Pangulo sa mga taga-NBP na maghintay lamang ang mga ito na matapos ang kaguluhan sa Marawi dahil pagkatapos nito ay magpapatupad siya ng reporma sa Pambansang Kulungan.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte