Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakararanas siya ng sobrang pananakit sa likod matapos maaksidente sa motorsiklo noong nakaraang linggo.
Sa Facebook live na ibinahagi ni dating special assistant to the president at ngayo’y Senador Christopher Bong Go, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya na mainda ang nararamdamang sakit.
Ito rin ang dahilan kung bakit napaaga ang kanyang pag-uwi sa Pilipinas matapos dumalo sa enthronement ceremony ni Japanese Emperor Naruhito.
“Kapag nag motor ka, talagang once or twice sa buhay mo, makatikim talaga ng semplang. Lahat ng nagmo-motor nakakaranas na sumesemplang, kagaya ko. Sa akin, parang hindi ko matiis yung sa belt banda. Mga 3 inches. Medyo masakit talaga,” ani Pangulong Duterte.
Kasabay nito, tiniyak ni Go na walang dapat ipag-alala ang lahat at nasa mabuting kalagayan ang pangulo.
“Sa mga kapatid nating Filipino, wag kayong mag alala. Nasa mabuting kalagayan po an gating mahal na pangulo. Andito pa nga nagbabasa ng kanyang mga paboritong litrato ng motor at hindi parin daw siya titigil mag motor dahil hindi raw siya mabubuhay kung hindi raw siya mag mo-motor. Motor parin ang tinitingnan kasi masakit na ang likod niya,” ani Sen. Bong Go