Inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang militar at pulisya na pag-aralan ang art of assassination o paraan ng pagpatay sa pamamagitan ng pananambang.
Sa kanyang talumpati sa Iloilo City, sinabi ng Pangulo na ibinigay niya ang nasabing utos bilang bahagi ng pagsugpo sa sparrow unit ng New People’s Army (NPA).
Aniya, sangkot ang NPA sa iba’t-ibang serye ng pagpatay sa ilang bahagi ng bansa, kaya’t marapat lang aniya na mas paigtingin pa ng mga awtoridad ang hakbang sa pagsugpo sa mga ito.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, patuloy ding tinatarget ng NPA ang militar para mapabagsak ang gobyerno.
Magugunitang noong nakaraang taon binanggit ni Pangulong Duterte ang muling pagbuhay ng sparrow unit ng NPA matapos na mabigo ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at komunistang grupo.
Samantala, tinawag na psychopath o baliw ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Joma Sison si Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong himukin ang mga sundalo at pulis na pag-aralan ang art of assassination.
Ayon kay Sison, nababaliw na si Pangulong Duterte dahil sa serye nito ng mga pagpatay, kapangyarihan at ng gamot na fentanyl.
Binigyang diin ni Sison, hindi na matatakasan ni Pangulong Duterte ang command responsibility matapos na utusan nitong direktang pumatay ang aniya’y mga armadong minions nito.
Dagdag ni Sison, makalulusot na lamang sa pag-iimbestiga ng International Court si Pangulong Duterte kung aaminin nitong wala na siya sa katinuan.
Magugunitang nitong nakaraang linggo, sinimulan na ng ICC ang preliminary investigation kay Pangulong Duterte kaugnay ng isinampang kasong crimes against humanity laban dito.
—-