Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) at mga ahensya ng gobyerno na ilabas ang mga impormasyon na may kinalaman sa kanyang mga pag-aari at yaman.
Ito ay kaugnay sa alegasyon ni Senador Antonio Trillanes IV na mayroon umanong bilyon-bilyong pisong bank account si Pangulong Duterte.
Sa kanyang talumpati sa harap ng Philippine Military Class of 1967 kung saan siya ay isang adopted member, sinabi ng Pangulo na pulitika at basura ang akusasyon sa kanya ni Trillanes.
Kailanman ay hindi aniya niya bibigyan ng kahihiyaan ang Class of 1967 na umampon sa kanya.
Binigyang diin ng Pangulo na noon pa mang panahon ng kampanya ay kanya nang tinitiyak na magbibitiw siya sa puwesto kung masasangkot siya o ang kanyang pamilya sa korapsyon sa gobyerno.
By Ralph Obina with report from Jonathan Andal (Patrol 31)