Ipatitigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangingisda ng mga Tsino sa EEZ o Exclusive Economic Zone ng bansa sa West Philippine Sea sa takdang panahon.
Ito ang tiniyak ng pangulo sa kanyang pagtalakay sa usapin ng agawan ng teritoryo sa bahagi ng South China Sea sa kanyang ika-apat na SONA o State of the Nation Address.
Ayon kay Pangulong Duterte, isasagawa niya ito sa pamamagitan ng isang mapayapang paraan tulad ng isang pribadong pakikipag-usap sa China.
“That is why I will do it in a peaceful way mindful of the fact that it is a national pride and territorial integrity on our state. Short of expressing advocating a call to arms, there are those who say that we should stand up and stop those who fish in our economic zone. Ofcourse we will do. In due time.”
Muli namang binigyang diin ni Pangulong Duterte na mauuwi lamang sa giyera kung ipipilit sa ngayon ang pagpapaalis sa mga Tsino sa West Philippine Sea.
Aniya, hindi niya kakayaning maubos lamang ang mga sundalong Pilipino lalo’t hindi pa naman kakayanin ng Pilipinas na tapatan ang pwersa ng China sa kasalukuyan.
“I cannot go there even I bring the Coast Guard to drive them away. China also claims the property and he is in possession. Yan ang problema. We are claiming the same but we are not in the position because of the fiasco noong dalawang nag stand off doon during the time of my predecessor.”
Kaugnay nito, idinepensa rin ng pangulo ang pakikipag-usap niya kay Chinese President Xi Jinping hingil sa pangingisda ng mga Tsino sa EEZ ng Pilipinas.
Gayundin ang kanyang pagtawag bilang “simple marine incident” sa nangyaring pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pilipino sa Recto Bank.
“When I said I allowed, that was on the premise that I owned the property pero hindi tayo in control of the property. ‘Ofcourse I will allow you’ kaya pinabalik. Ngayong disgrasya, yung pagsabing “a mere incident”, a legal marine incident. Yan ang ginagamit sa batas. A marine incident happened. Hindi naman sinasabing a marine accident.” — Bahagi ng SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte