Handang suspendihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang implementasyon ng Motorcycle Crime Prevention Act na una nang tinutulan ng ibat-ibang mga grupo sa bansa.
Sa speech ng pangulo sa 25th National Federation of the Motorcycle Clubs of the Philippines (NFMCP) annual national convention sa Iloilo Convention Center, sinabi nitong kakausapin nya ang Land Transportation Office (LTO) at ang nag-akda ng batas na si Sen. Richard Gordon hinggil sa kanyang rekwes.
Ayon sa punong ehekutibo, sisikapin niyang kumbensihin ang LTO at si Sen. Gordon na wag munang ituloy ang pagpapatupad ng naturang batas dahil sa panganib na maaring idulot ng paglalagay ng isa pang plate number sa harap ng motorsiklo.
Mungkahi na lamang ng pangulo, lakihan na lamang ang plate number sa likod by one-fourth upang malinaw talagang makikita o mababasa ang number.
Paglilinaw ni Pangulong Duterte, nilagdaan lamang niya noong nakaraang buwan ang bagong motorcycle act dahil sa inirekomenda ito sa kanya ng militar at ng pambansang pulisya.
Nais rin umano ng pangulo na ibaba sa P10,000 hanggang P15,000 ang penalty sa mga mahuhuling lalabag sa nasabing batas.
Masyado kasi aniyang mataas ang multang P50,000 hanggang P100,000.