Ipinag utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkuha sa serbisyo ng isang pribadong barko para ihatid sa Canada ang mga basurang ipinadala nito sa Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na sasagutin ng Pilipinas ang gastusin sa pagpapabalik ng mga basura ng Canada.
Iiwan na lamang aniya ang mga container na may lamang basura sa karagatang sakop ng Canada kung pipigilan nitong makapasok sa kanilang teritoryo ang nasabing barko.
Ayon kay Panelo, dismayado ang pangulo sa anito’y inordinate delay ng Canada sa pagkuha ng kanilang basura.
Magugunitang noong isang linggo ay pinauwi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. ang Philippine ambassador at consuls sa Canada matapos hindi tumalima ang Canadian government sa May 15 deadline para kunin ang halos 70 container vans ng mga basura na dumating sa Pilipinas noong 2013 at 2014.