Interes ng publiko ang isinaalang-alang ni Pangulong Rodrigo Duterte at hindi personal na interes sa pagpili ng mga bagong mahistrado ng korte suprema.
Ito ang inihayag ng Malakanyang matapos ang magkasunod na appointment ng dalawang associate justice sa supreme court na kapwa taga-San Beda College of Law kung saan nagtapos ng abugasya ang Pangulo.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nakikinig ang Pangulo at pinag-aaralan ang mga mahalagang desisyon kaya’t naniniwala silang hindi lamang nakasentro ang atensiyon sa kanyang alma mater.
Mayroong kabuuang 12 mahistrado ang maitatalaga sa supreme court sa buong panahon ng termino ng Duterte administration.
Gayunman, sinabi ni Abella na aminado ang Pangulo na kaunti ang mga kakilala at kaibigan nito kaya’t imposibleng puro kaibigan o ka-eskuwela lamang ang ilalagay sa mga bakante at mababakanteng puwesto sa gobyerno.
By Drew Nacino |With Report from Aileen Taliping