Iniluklok ni Pangulong Rodrigo Duterte si Associate Justice Teresita De Castro bilang bagong Chief Justice ng Korte Suprema.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra ngayong hapon sa mga mamahayag.
Nakatakdang ilabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang appointment paper ni De Castro sa Martes, Agosto 28.
Si De Castro ay isa sa mga mahistrado na nanilbihan sa Hudikatura sa loob ng 45 na taon kung saan nagsimula siya bilang law clerk sa Korte Suprema noong 1973.
Maninilbihan lamang si De Castro sa Korte Suprema bilang Chief Justice sa loob ng halos dalawang buwan dahil nakatakdang magretiro siya sa Oktubre.
Samantala, ikinatuwa ni Presidential Spokesman Harry Roque ang naging desisyon ng pangulo sa pagtalaga kay De Castro.
“Bravo! best choice for Chief Justice (CJ)! Proven competence, known nationalist and a streak of being a judicial activist!” pahayag ni Roque.
Sa panayam naman ng DWIZ kay Senator Richard Gordon, ikinagalak din niya ang naging desisyon ng pangulo at naniniwala na maraming maisasaayos si De Castro sa Korte Suprema.
“I think she can handle ‘yung kakulangan ng courts, makakaya niya ‘yan dahil inappoint siya ng pangulo. what an honor to her family. maganda ang record niya.” aniya ni Gordon.
Sa panig naman ni Liberal Party President at Senador Francis Pangilinan, maituturing na “Endo CJ” si De Castro dahil sa sobrang ikli lamang ng mahigit dalawang buwang panunungkulan nito.
Dahil dito, sinabi ni Pangilinan na hindi makatutulong ang pagkakatalaga kay De Castro para palakasin ang judicial system sa bansa.