Mali umano ang mga senador sa kanilang kinakastigo at pinag-iinitan sa pagkaka-downgrade sa kaso nina Superintendent Marvin Marcos kung saan mula sa kasong murder ay naibaba ito sa homicide.
Ayon kay Senador Leila De Lima, ito’y dahil sina Justice Secretary Vitaliano Aguirre, Justice Undersecretary Reynante Orceo at PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang pinag-initan at kinastigo ng mga senador sa hearing noong Miyerkules sa pagkaka-downgrade ng kaso ni Marcos dahilan para ito makapagpiyansa at maibalik pa sa serbisyo.
Pero, ayon sa senadora, malamang na sina Aguirre, Orceo at Dela Rosa ay sumunod lang sa iligal na utos mula sa kanilang common principal ito ay ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni De Lima, ang Pangulo ang pinaka-responsable sa pagpapababa ng kaso kina Marcos dahil ito ang nagbigay ng iligal at hindi makatwirang utos pabor kay Marcos na nagresulta sa paglaya at pagkakabalik sa serbisyo nito.
- Meann Tanbio | Story from Cely Bueno