Inamin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kinonsulta siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bago bigyan ng absolute pardon ang U.S. Marine na nahatulan sa pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude.
Ayon kay Guevarra, sinangguni siya ni Pangulong Duterte bago ito nagdesisyon hinggil sa pagpapalaya kay Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Iginiit naman ni Guevarra na ang pagbibigay ng pardon ay bahagi ng pagpapakita ng awa ng punong ehekutibo.
Maaari aniyang ipagkaloob ng pangulo ang buong kapangyarihan ng executive clemency sa anumang panahon at sitwasyon.
Bago pa man binigyan ng absolute pardon ni Pangulong Duterte si Pemberton, dininig pa ng korte ng Olongapo City ang inihaing motion for reconsideration ng pamilya Laude hinggil sa naunang utos na maagang pagpapalaya kay Pemberton sa pamamagitan ng good conduct time allowance.