Kumambiyo si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang naging pahayag laban kay Vice President Leni Robredo.
Inihayag ito ng pangulo makaraan nilang magharap at makapagusap ng pangalawang pangulo sa graduation rites ng PNPA o Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite noong Biyernes.
Sinabi ng pangulo nang pasinayaan nito ang itatayong Drug Rehabilitation center sa Bukidnon, kumbinsido siyang walang kinalaman si Robredo sa tangkang pagpapabagsak laban sa kaniyang administrasyon.
Sa katunayan, inimbitahan pa niya si Robredo gayundin ang tatlong anak nito na makipaghapunan ngunit hindi idinetalye kung kailan at saan iyon gagawin.
Kamara, nanindigang hindi i-aatras ang impeachment laban kay VP Leni
Samantala, kinontra naman ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang naging apela ng Pangulong Duterte na tantanan na si Vice President Leni Robredo.
Ito’y makaraang sabihan ng pangulo ang kongreso at ang media na tigilan na ang usapin ng impeachment laban sa bise presidente dahil hindi pa ito nakaka-isang taon sa puwesto.
Ayon kay Alvarez, hindi niya masusuportahan ang pangulo sa bagay na ito dahil batid naman ng lahat na isang independyenteng sangay ng pamahalaan ang kongreso.
Tanging ang mababang kapulungan aniya ang makapagsasabi kung dapat ma-impeach o hindi si Robredo batay sa mga ebidensyang isinumite sa kanila.
By Jaymark Dagala