Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipa-a-aresto ang mga miyembro ng PISTON o Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide.
Ito’y sakaling hindi sumunod ang nasabing grupo sa ilalargang modernization program ng pamahalaan para sa sektor ng transportasyon.
Sa naging talumpati ng Pangulo kasabay ng federalism summit at panunumpa ng mga bagong miyembro ng PDP – Laban sa Camarines Sur kahapon, sinabi ng Pangulo na handa siyang makipagsabayan sa PISTON hanggang sa huli.
Una rito, nagbabala si Piston President George San Mateo na masusundan pa ang inilarga nilang tigil pasada kung itutuloy ng pamahalaan ang pagpapatupad ng programa.
Giit ni San Mateo, hindi sila kung hindi ang taumbayan ang siyang talo at malulugi dahil kinakailangan pang magsuspinde ng pasok sa mga paaralan at tanggapan sa tuwing magkakasa sila ng mga pagkilos.