Inihayag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon na maaaring makasuhan si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling matapos na ang kaniyang termino at bumaba na sa palasyo.
Sinabi ni Gordon na posibleng maharap sa kasong Inciting to Sedition at posibleng maging Grave Coercion ang Pangulo dahil sa kuwestiyonableng P8-B pondo na ginamit ng gobyerno para umano sa COVID-19 Pandemic Supply Contract sa Pharmally Pharmaceutical Corporation noong 2020.
Ayon kay Gordon, dapat na managot ang Pangulo sa paglabag nito sa kaniyang tungkulin kung saan, naniniwala si Gordon na walang oras para sa anumang kasong administratibo o kriminal na isasampa laban kay Duterte.
Sinabi pa ni Gordon na hindi umano ginalang ng Pangulo ang senado at ang mandato nito bilang Co-equal na sangay, dahil sa pananakot sa Commission on Audit (COA) matapos malaman ang maanomalyang pagbili ng mga Personal Protective Equipment (PPE) sets kung saan, ipinagbawal din ng Pangulo ang mga opisyal ng Gabinete na dumalo sa panel investigation ng senado.
Dagdag pa ni Gordon na sakop ng isasampang kaso sa pangulo ang panglalait nito sa ilang mga Senador at ahensya ng gobyerno. —sa panulat ni Angelica Doctolero