Sasagutin ng pamahalaan ang pagpapagamot para sa mga sugatan at may sakit na miyembro ng New People’s Army o NPA na nagbalik loob na sa pamahalaan.
Pagtitiyak ito ng Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng kaniyang apela sa komunistang grupo na sumuko at itigil na ang kanilang pakikipaglaban sa ngalan ng kapayapaan.
Naglaan ng kalahating bilyong piso ang Pangulo para sa mga magbabalik loob na rebelde kung saan, maliban sa libreng gamot ay bibigyan din umano sila ng pamahalaan ng libreng pabahay para makapamuhay ng normal.
Matatandaang nagpahiwatig na ang Pangulo ng pagiging bukas nito para ituloy ang usapang pangkapayapaan sa mga komunista upang makatuwang ng pamahalaan para sa krusada kontra terorismo.