Ibinabala ni Pangulong Rodrigo Duterte na mawawalan ng scholarship ang mga estudyante sa mga state universities and colleges na mapapatunayang sumusuporta o umaanib sa mga komunistang rebelde.
Ito’y sa gitna ng panawagan ni National Youth Commission Chairman Ronald Cardema kay Pangulong Duterte na mag-issue ng executive order na magtatanggal sa scholarship ng lahat ng mag-re-rebeldeng scholar.
Ayon sa pangulo, isang pagtataksil sa bayan lalo sa gobyernong nagpapa-aral sa mga scholar kung sususportahan ng mga ito ang New People’s Army na sangkot sa pagpatay sa mga sundalo, pulis at inosenteng sibilyan.
Bagaman ikinukunsidera niyang kalaban ang mga estudyanteng sumusuporta sa armadong pakikibaka, hindi naman anya maaaring tanggalan ng scholarship ang mga mag-aaral na bumabatikos sa gobyerno dahil karapatan ito ng bawat isa.
Magugunitang inulan ng batikos ang panukala ni Cardema na isa umanong paraan ng pagkitil sa kalayaan sa pagpapahayag.