Agad ilalarga ng pamahalaan ang rollout ng mga bakuna ng Sinovac mula China pagdating nito sa bansa ngayong araw.
Ito ang kinumpirma sa DWIZ ni senate committee on health chairman Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa natanggap na impormasyon ng DWIZ, sa Philippine General Hospital magpapaturok ng bakuna sina Vaccine Czar Carlito Galvez at Presidential Spokesman Harry Roque.
Sa lung center naman magpapaturok ng bakuna sina DOH Sec. Francisco Duque III, Food and Drug Administrator Eric Domingo at MMDA Chairman Benhur Abalos.
Habang sa PNP general hospital naman sa Kampo Crame magpapaturok ng bakuna si Department of the Interior and Local Government (DILG) officer in charge Usec. Bernardo Florece.
Kasunod nito, tiniyak din ni Sen. Go ang pagsasapubliko ng pagbabakuna nila ni Pangulong Rodrigo Duterte subalit hindi malinaw kung anong bakuna ang ituturok dito.
Ayon kay Go, kailangang maging maingat ng Pangulo lalo pa’t may edad na ito kaya’t susundin lamang ng punong ehekutibo kung ano ang payo ng kaniyang mga doktor.
Hindi na kwestyon kung magpapabakuna kami ni Pangulong Duterte, papabakuna kami in public not because prayoridad kaming mabakunahan but because dapat makuha natin ng kumpiyansa ng bawat Pilipino, ipakita natin. Kadalasan kapag nagtanong ako sa kakaikot ko, wala pang 10% nagtataas ng kamay pero kapag sinabi ko na ‘paano na lang kung si Pangulo at ako ay magpapabakuna?’, dumadami ang nagtataas ng kamay, ibig sabihin parang tinuturo nila na ‘mauna na muna kayo’, iyon lamang ang ating survey,” ani Go.