Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na itatambak sa dalampasigan ng Canada ang kanilang mga basura kung mabibigo ang nasabing bansa na hakutin ang mga ito sa susunod na linggo.
Sa kanyang talumpati sa opening ceremony ng Palarong Pambansa 2019 sa Davao city, muling iginiit ni Pangulong Duterte na hindi tambakan ng basura ang bansa at hindi scavengers ang mga Pilipino.
Aniya, ipapadala niya pabalik ng Canada ang mga basura nito at kung hindi nila ito tatanggapin ay kanyang ipapabuhos ito sa kanilang mga magagandang beach.
Magugunitang noong Martes, nagbanta ng giyera si Pangulong Duterte laban sa Canada oras na hindi pa rin nito kunin ang nasa limampung (50) container ng basura na ipinadala sa bansa, mahigit anim na taon na ang nakakaraan.
Tiniyak naman ng pamahalaan ng Canada na ginagawa nito ang lahat sa lalong madaling panahon para maalis na ang mga nasabing kargamento ng basura sa Pilipinas.
Pangulong Duterte, hiniling ang suporta ng international community
Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa international community na suportahan ang kaniyang target na maging pang-matagalan at mapayapa ang paggamit sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.
Ito’y kaugnay sa plano ng administrasyong Duterte na ideklarang “marine sanctuary” ang mga bahagi ng West Philippine Sea.
Inihayag din ng pangulo ang layunin ng bansa na maisaayos at maprotektahan ang marine resources upang ito ay mapagyaman pa.
Sa panulat ni: Jennelyn Valencia