Hindi napigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling banatan ang mga human rights group na bumabatikos sa war on drugs ng gobyerno.
Sa kanyang lingguhang Talk to the Nation, inilabas ni Pangulong Duterte ang kanyang pagka-inis sa mga nabanggit na grupo matapos masabat ng PDEA at PNP ang mahigit P1.4 bilyon na halaga ng shabu sa Valenzuela City, Quezon City at Bulacan.
Iginiit ng Punong Ehekutibo na hindi naman siya ang nakikinabang sa giyera kontra droga bagkus siya at buhay ng kanyang pamilya ang mas nanganganib.
Pagpalagay na natin na totoo ang sinabi ng human rights sino nakinabang diyan? Ako, ako ang nakinabang? Pamilya ko nakinabang sila doon sa p******** sa mga pagpatay na ‘yan? Sino ang nakinabang? Kayo! Ang anak ninyo ang bayan natin, ang nakinabang. Sino ang naglagay sa alanganin? Ako ang pamilya ko ang buhay nila kapag gumanti yang mga yawa na iyan,“pahayag ni Pangulong Duterte.
Sa kabila nito, pinapurihan ni Pangulong Duterte ang mga otoridad na naglunsad ng operasyon na naging daan upang maaresto ang ilang Chinese na miyembro umano ng isang malaking transnational syndicate.
…From different agencies Pulis PDEA, army mga intelligence community, I’d like to command you, congratulations!,” wika ng Pangulong Duterte.—sa panulat ni Drew Nacino