Idinetalye ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga umano’y offshore accounts ni Senador Antonio Trillanes IV.
Ayon mismo sa Pangulo, nakuha ng senador ang kaniyang mga tagong yaman sa ilalim ng nakalipas na administrasyon bunga ng kaniyang backdoor trips umano sa China.
Ito aniya ang naging dahilan ngayon kaya’t halos nawalan na ng kontrol ang Pilipinas sa scarborough o Panatag Shoal na inaangkin na ngayon ng China.
Kasunod nito, tinawag ding basura ng Pangulo ang pinirmahang waiver ni Trillanes lalo’t hindi aniya buong pangalan ang inilagay doon ng senador.
‘Trillanes says’
Mariing itinanggi ni Senador Antonio Trillanes IV ang bagong akusasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumita sya sa pakikipag-negosasyon sa China noong Aquino administration.
Sinabi ng Pangulo na nakalikom ng pera ang senador sa mga negosasyon bilang back channel negotiator sa China na pumasok sa kanyang mga binuksang bank account sa Singapore at Switzerland.
Depensa naman ni Trillanes, nakipag-negosasyon lamang siya sa China upang mabawasan ang namumuong tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa isyu sa West Philippine Sea.
Hindi rin aniya sa kanya ang mga tinutukoy na account ng Pangulo dahil malinaw naman na hindi ito nakapangalan sa kanya dahil wala itong ‘the forth’ sa huli.
Una nang sinabi ng Pangulo na ginamit ni Trillanes ang mga pangalang Antonio Trillanes, Trillanes Junior, The Second at The Third para maitanggi ang kanyang pag-aari sa mga bank account.
By Rianne Briones