Muling inupakan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kritiko partikular sina Senador Manny Pacquiao at Dating Senador Antonio Trillanes.
Kaugnay ito sa panibagong akusasyon ni Trillanes na sangkot umano ang pangulo at si Senador Bong Go sa P6.6 billion umanong halaga ng road widening at concreting projects sa Davao Region.
Magugunitang inihayag naman ni Pacquiao na lumala ang korapsyon sa kasalukuyang administrasyon bagay na ikinadismaya ng punong ehekutibo.
Sa kanyang “Talk to the Nation” kagabi, pinag-kumpara ni Pangulong Duterte sina Pacquiao at Trillanes na kapwa may hangaring manatili sa kapangyarihan.
Gayunman, nilimitahan na ni Duterte ang pagresbak kay Trillanes sa halip ay ipinaubaya na niya ito kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
“Si Trillanes kagaya lang ni Pacquiao yan, they want to you know hold power because they had may nakita siguro silang magandang oportunidad nila para sa kanila, well I leave Trillanes to you ikaw na ang bahala sa kanya kung anuhin mo yan eh daldal ng daldal yan eh hindi naman lumaban ng debate yan.” Pahayag ni Pangulong Duterte.
—sa panulat ni Drew Nacino.