Nagbabala sa publiko si Pangulong Rodrigo Duterte sa posibleng “invasion” ng China sakaling gumamit ng nuclear weapons ang Russia para pabagsakin ang Ukraine.
Ayon kay Pangulong Duterte, kapag nagpasya si Russian President Vladimir Putin na gumamit ng nasabing armas laban sa Ukraine ay maaring madamay ang Pilipinas.
Sinabi ng Pangulo na maaring pindutin ni Putin ang pulang button sa pagpapasabog ng nuclear bomb na mag-uudyok naman sa China para maglunsad din ng long range bomb mula sa South China Sea.
Matatandaang noong May 2017 nang magpunta sa Pilipinas si Russian President Vladimir Putin para tiyakin kay Pangulong Duterte na kakausapin ang China hinggil sa militarisasyon at agresyon sa South China Sea na sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas pero hindi ito nagtagumpay dahil hindi kailanman nakikinig ang China sa payo ng sinumang bansa.
Sa ngayon, inatasan na ni Pangulong Duterte ang mga militar na payagan ang Amerika na makapunta ng Pilipinas ng walang limitasyon para masiguro ang seguridad sa bansa. —sa panulat ni Angelica Doctolero