Nakikiisa si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kapatid na Muslim sa paggunita ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ngayong araw.
Sa inilabas na mensahe ng Presidente, sinabi nitong mahalaga na magkaisa ang lahat sa gitna ng inaasam na tunay at pangmatagalang kapayapaan.
Binigyang-diin ng Pangulo na isang magandang pagkakataon ang feast of sacrifice para sa mga kapatid nating Muslim upang muling mapagtibay ang kanilang debosyon at pananampalataya sa Islam.
Magsilbi din aniya ang okasyon upang mapasigla ang papel ng bawat isa at magtagumpay laban sa mga masasamang loob na ang iniisip ay maghasik ng kaguluhan.
Nauna nang idineklara ni Duterte bilang isang regular holiday ang September 1, 2017 o ngayong araw bilang pakikibahagi sa obserbasyon sa isa sa banal at malaking okasyon ng mga Muslim.
Eid’l Adha
Sabay-sabay na nag-alay ng panalangin ang mga Muslim saan mangpanig ng bansa bilang paggunita sa banal na araw ng Eid’l Adha ngayong araw.
Maaga pa lamang, dumagsa na ang mga Muslim sa Mindanao State University Grandstand sa Marawi sa kabila ng patuloy na bakbakan mahigit 100 araw na ang nakalilipas.
Panalangin naman para sa kapayapaan at sa mga taga-Marawi ang handog ng mga nagtipun-tipon sa Quirino Grandstand sa Maynila para sa taunang pagdiriwang.
Ang Eid’l Adha ang banal na paggunita sa ginawang pagsasakripisyo ni Ibrahim nang ialay nito ang kanyang anak na si Eshmael bilang pagsunod nito sa kalooban ni Allah.
By Arianne Palma / Krista de Dios