Nagpaabot ng pasasalamat at paghahangad ng mabuti si Pangulong Rodrigo Duterte para kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe na nagbitiw na sa puwesto dahil sa problema sa kalusugan.
Ayon sa Office of the Presidential Assistant on Foreign Affairs, pinasalamatan ni Pangulong Duterte si Abe sa mga naging kontribusyon ng Japan para sa pagpapaunlad ng defense at security capability ng Pilipinas.
Gayundin sa pangakong ¥1-trilyon ng Japan bilang tulong sa flagship projects ng pamahalaan sa ilalim ng Build Build Build Program mula 2017 hanggang 2022.
Sinabi ng tanggapan, personal na naka-usap ni Pangulong Duterte si Abe sa pamamagitan ng tawag sa telepono na tumagal ng 25 minuto.
Dito anila ipinabot ng pangulo ang pasasalamat kay Abe para sa pagpapahalaga nito sa pagpapatibay ng relasyon ng Japan at Pilipinas, gayundin ng hiling para sa mabilis at ganap na paggaling ng prime minister sa dinaranas na sakit.