Naiinip na rin mismo si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdating ng bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon ito kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa gitna na rin ng pagkakaantala ng inaasahang pagdating ng suplay ng anti-COVID-19 vaccine sa bansa, ngayong buwan.
Ani Roque, natakot ang Pfizer na matulad sila sa manufacturer ng Dengvaxia na kinasuhan dahil sa kontrobersiya sa naturang bakuna kontra dengue at kawalan ng indeminification law.
Habang limitadong suplay naman ang naging problema sa bakuna ng AstraZeneca na inaasahang darating din sa bansa ngayong buwan sa pamamagitan ng Covax facility.
Samantala, sinabi ni Roque na kawalan ng Emergency Use Authorization (EUA) mula Food and Drug Administration (FDA) ang nagiging hadlang sa pagpasok ng donasyong bakuna mula sa Sinovac.
Sa kabila nito, umaasa naman ang kalihim na mapapabilis na ang proseso ng pagpasok ng mga bakuna kontra COVID-19 sa bansa, kasunod na rin ng pagsasalita ng Pangulo.