Naniniwala si ACT Teachers Party list Rep. Antonio Tinio na pinalulutang lamang ni Pangulong Duterte ang suspensyon ng writ of habeas corpus para pagtakpan ang ilang mga isyung kinakaharap ng kasalukuyang gobyerno.
Pagdududa ni Tinio, ginagawa lamang ng pangulo ang banta para mailihis ang atensyon ng publiko sa paghuli ng pamahalaan sa mga aktibista, komunista at mga kritiko ng pamahalaan.
Ayon pa sa kongresista, nais lamang ng pangulo na alisin ang atensyon ng buong bansa sa mga pinasok na loan agreements na pinasok sa China.
Mistula aniyang walang balak ang pangulo na isapubliko at bawiin ang loan agreements na pinangangambahang lalabag sa soberenya ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Tinio, halata naman na gumagawa ng paraan si Duterte na mawala sa isipan ng mga Pilipino ang utang ng bansa sa China tulad ng banta ng revolutionary government at pagrereview sa mga kontrata ng gobyerno.
Bantang sususpindihin ni Pangulong Duterte ang writ of habeas corpus walang basehan
Walang ligal, konstitusyonal at tunay na basehan ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang sususpindihin ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus.
Ito’y ipinahayag ni Attorney Edre Olalia, pangulo ng National Union of People’s Lawyer (NUPL) kasunod ng naturang banta ng pangulo.
Ayon kay Olalia, ang ganoong uri ng pahayag ng pangulo laban sa kanyang mga kritiko o sa oposisyon ay balewala lamang dahil wala itong basehan.
Samantala hiniling din ni Olalia sa taumbayan na salungatin o labanan ang ganitong uri ng banta ng pangulo.