Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na ganap nang ipagbawal ang paggamit ng mga paputok sa buong bansa.
Ito ay sa kabila ng nasa apatnapung (40) porsyentong pagbaba sa bilang ng mga biktima ng paputok batay sa tala ng Department of Health (DOH) mula December 21, 2018 hanggang January 4, 2019.
Sa kanyang naging talumpati sa San Jose del Monte City, Bulacan, sinabi ni Pangulong Duterte na ngayon pa lamang ay magpapalabas na siya ng executive order para sa total ban ng lahat ng klase ng mga paputok.
Aniya, hindi niya na papayagang kahit isang bata ay maputulan ng kamay dahil dito.
Magugunitang noong nakaraang taon, ipinalabas ni Pangulong Duterte ang Executive Order 28 na naglilimita sa paggamit ng mga paputok at pyrotechnic devices at pagtatakda lamang ng mga community fireworks display.
—-