Ikinatuwa ng ilang obispo ng Simbahang Katolika ang naging pagtutol ni Pangulong Rodrigo Duterte sa same-sex marriage sa bansa.
Ayon kay Sorsogon Bishop Arturo Bastes, nagulat siya sa naging pahayag na ito ng Pangulo at naniniwala siyang isa itong puntos sa Pangulo.
Magugunitang dumipensa ang Pangulo sa inilabas na artikulo ng Time Magazine na tumatalakay sa usapin ng gender sensitivity hinggil sa pag-aasawa ng magkapareho ng kasarian.
Ayon sa Pangulo, hindi uubrang magpakasal ang magkaparehong kasarian sa Pilipinas dahil mahigpit na sinusunod ng mga Pilipino ang mga aral ng simbahan bilang isang Katolikong bansa.
Human Rights Watch
Samantala, binatikos naman ng international watchdog na Human Rights Watch ang naging pagtutol ni Pangulong Rodrigo Duterte sa same sex marriage.
Ayon kay Carlos Conde, Philippines Researcher ng Human Rights Watch, tila bumaliktad na ang Pangulo sa kanyang posisyon na nangangalaga sa karapatan ng mga nasa LGBT o lesbians, gays, bisexuals at transgender.
Nangangamba si Conde na malagay sa alanganin ang karapatan ng LGBT community sa Pilipinas hinggil sa panibagong pahayag na ito ng Pangulo.
Iginiit ni Conde ang posisyon ng human rights groups na bahagi ng equality at non-discrimination ang pagbibigay daan sa same sex marriage.
Matatandaan na bago tumakbo bilang Pangulo si Duterte, sinabi nito na maganda ang same sex marriage dahil ang lahat ng tao ay mayroong karapatang lumigaya.
By Jaymark Dagala