Napanatili ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mataas na approval at trust ratings mula Hunyo hanggang Setyembre ngayong taon sa kabila ng mga pagpuna sa giyera kontra droga ng administrasyon at mga alegasyong tagong yaman laban sa Punong Ehekutibo.
Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, nakakuha ng 80 porsyentong trust at approval ratings ang Pangulo.
Kumpara ito sa 81 at 82 porsyentong trust at approval ratings na nakuha niya noong Hunyo.
Samantala, mayorya rin ng mga Pinoy ang nananatiling tiwala kay Vice President Leni Robredo na nakakuha ng 57 percent approval at 55 percent trust ratings.
Nagbabaan naman ang approval at trust ratings nina Senate President Koko Pimentel, House Speaker Pantaleon Alvarez at Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Kumpara sa kanilang trust ratings noong Hunyo, 7 porsyento ang ibinaba ng approval ratings ni Pimentel ngayong Setyembre, 10 porsyento kay Alvarez at 13 porsyento kay Sereno.
Bumaba rin ng 6 porsyento ang nagtitiwala kay Pimentel ngayong Setyembre kumpara noong Hunyo, 10 porsyento kay Alvarez at 12 porsyento kay Sereno.
Kapuna-puna sa Pulse Asia survey ang malaking pagbaba ng approval at trust ratings nina Pimental at Alvarez sa Mindanao kung saan sila nagmula.
Isinagawa ang survey noong September 24 hanggang 30 sa 1,200 respondents.
By Len Aguirre / Aiza Rendon