Aasahan ang mas marami pang pagbabago sa bansa sa mga susunod na buwan at taon.
Inihayag ito ng Malacañang matapos mapabilang ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa listahan ng “Most Powerful People” sa Forbes Magazine kung saan Pang-70 ito.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na bagamat aanim na buwan pa lamang ang Duterte administration, nakita na ang mga ipinatupad na pagbabago at paglilinis sa bansa.
Tinukoy ni Andanar ang anti-drug war ng Pangulo kung saan mahigit 800,000 drug addicts ang sumuko sa mga unang buwan ng kanyang administrasyon.
Nakilala ang Pangulo sa international community dahil sa pagsusulong ng independent foreign policy at pakikipagkasundo sa China at mas pagpapaigting ng relasyon sa Japan, South Korea at iba pang mga bansa sa Asya.
Si Pangulong Duterte ay isa sa 11 bagong pangalan sa listahan ng Forbes Magazine dahil sa kanyang kampanya kontra illegal na droga at kriminalidad na nagresulta sa pagkamatay ng maraming tao.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping