Nananawagan ng kooperasyon o pagtutulungan si Pangulong Rodrigo Duterte sa bawat miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kasabay ng patugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ang naging sentro ng mensahe ng pangulo sa ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN.
Ayon kay Pangulong Duterte, nakakatakot at nakapanghihinang tungkulin ang muling pagbangon mula sa pandemiya.
Gayunman mas madali aniya itong matutugunan sa pagtutulungan ng mga magkakaibigang bansa na maaaring maging pagkakataon din para makabuo ng mas matatag na Southeast Asian region.
Sinabi ni Pangulong Duterte, kaagaat ang mas malalim na kahulugan ng iisang layunin, patuloy din ang nagkakaisang pagkilos ng ASEAN at pagtatatag ng mas matibay pang relasyon sa iba pang bansa sa labas ng rehiyon.
Naniniwala ang pangulo na sa pamamagitan ng paraan ng pakikisama at pagdadamayan ng ASEAN, malalagpasan ng lahat ang nararanasang pandemiya dulot ng COVID-19 at makapagpapatuloy sa mga pagsisikap sa mas matatag na komunidad.