Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatapos ng may dalawandaan at apatnapu’t tatlong mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City ngayong araw.
Sinalubong ang pangulo nila Defense Secretary Delfin Lorenzana at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal at iba pang mga opisyal ng afp.
Dumalo rin sa naturang okasyon si Vice President Leni Robredo, ilang mga miyembro ng gabinete at ang mga kasalukuyang opisyal ng pamahalaan na alumni din ng PMA.
Ang mga nagsipagtapos ay kabilang sa PMA “Mabalasik” Class of 2019 na pinangungunahan ng ika-5 babaeng valedictorian na si Dionne Mae Umalla na tumanggap ng Presidential Saber Award habang tumanggap ng Vice Presidential Saber Award ang class salutatorian na si Jonathan Mendoza.
Si Umalla ang ika-limang babaeng valedictorian sa PMA makalipas ang isang dekada mula kina Arlene Dela Cruz nuong 1999, Tara Velasco nuong 2003, Andrelee Mojica nuong 2007 at Rovi Mariel Martinez nuong 2017.
Pangulong Duterte may mensahe sa mga graduates ng PMA Mabalasik Class of 2019
Iyan ang iniwang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatapos ng mahigit dalawandaang mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) “Mabalasik” Class of 2019.
Kaninang umaga, pinangunahan mismo ng pangulo ang graduation rites sa PMA Grounds, Fort Gregorio Del Pilar sa Baguio City.
Hindi nagpatinag sa malakas na buhos ng ulan ang pangulo at tumuloy pa rin ito sa kaniyang troop of the line o pag-iinspeksyon sa mga kadete.
Sa kaniyang mensahe, binigyang diin ng pangulo sa mga kadete na kailangang panatilihin ng mga ito ang kanilang disiplina upang makamit ang tagumpay sa buhay.
“Nothing beats humility. Always remember that the rank, authority, and trust of the people that you serve are borne out of respect for the office that you carried. Be teachable in all definitions of discipline and endeavors the way to success requires order and discipline.” Pahayag ni Pangulong Duterte.
Hinikayat din ng pangulo ang mga nagsipagtapos sa pma na manatiling matatag na ipagtanggol ang bansa mula sa mga nagtatangkang manakop.
“Given this reality, I ask you to always remain faithful to your mission. Be a good soldier who will serve the constitution, protect the people, secure our sovereignty, and preserve the integrity of our national territory.” Ani Pangulong Duterte.