Nagbiro si Pangulong Rodrigo Duterte kung gusto ng China ay gawin na lamang na probinsya ang Pilipinas.
Sinabi ito ng Pangulo sa kaniyang talumpati sa harap ng mga negosyanteng Filipino at Chinese sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Chinese-Filipino business Club Inc. kung saan dumalo rin si Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua.
Binanggit din dito ng Pangulo ang planong pagtatayo ng China ng dalawang tulay sa Pasig River na posibleng simulan bago matapos ang taon.
Balak din umano ng China na magpadala sa bansa ng battleship tulad na lamang ng pagbibigay din ng Russia noong Enero.
Dito rin inamin ni Pangulong Duterte na mga military bases ang ginagawang pagtatayo ng China sa South China Sea ngunit paglilinaw ng Pangulo hindi ito para sa Pilipinas kundi paghahanda ito laban sa Amerika.
“It’s really intended against those who the China thinks will destroy them, and that is America.”
Ipinaliwanag din ng Pangulo ang paglalagay ng pangalan ng China sa ilang under water features sa Philippine Rise.
“Those are just directions na tapos na sila diyan.”
Gayunman, iginiit pa rin ng Pangulo na pag-aari pa rin ng Pilipinas ang Philippine Rise at ilan pang bahagi ng South China Sea.
“Itong claims sa China sea talagang atin ‘yan in so far as the Republic of the Philippines is concerned, I’ve stated that in black and blue, it has been the claim of the Republic of the Philippines, na atin ‘yan.” Pahayag ng Pangulo
—-