Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na naglalayong bumuo ng Coconut Farmers and Industry Trust Fund.
Sa pamamagitan ng Republic Act No. 11524, inaasahang magagamit nang mahusay ang multibillion-peso coconut levy fund na pakikinabangan ng coconut industry at ng tinatayang dalawang milyong magniniyog.
Itinatakda sa ilalim ng bagong batas ang pagtatatag ng coconut farmers and industry development plan na mag-oobliga rin sa Philippine Coconut Authority (PCA) na kumonsulta sa mga coconut farmers at sa kanilang mga organisasyon at iba pang samahan sa pagpapatupad ng mga polisiya para sa kaunlaran at rehabilitasyon ng industriya sa loob ng 50 taon.
Matatandaang ibinasura ni Duterte ang kaparehong bill noong 2019 kung saan ipinaliwanag ng Pangulo na ang dahilan ng kanyang pag-veto sa panukala ay ang aniya’y kawalan ng “vital safeguards” upang maiwasan ang mga nakaraang pagkakamali at posibleng paglabag sa Konstitusyon.