Nakatakdang pangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas ng 60th Palarong Pambansa sa San Jose, Antique, mamaya.
Tinatayang labindalawang libong delegado na pawang high school student at sports official mula sa labingwalong rehiyon ang darating para sa opening ceremony.
Ayon kay Education Assistant-Secretary at Palarong Pambansa chairman Tonisito Umali, nasa dalawandaan limampung libong piso ang ini-release ng kagawaran para sa accommodation expenses ng mga delegadong pansamantalang tumutuloy sa mga paaralan.
Halos limampung milyong piso anya ang inaprubahang budget ng Department of Education para sa rehabilitasyon ng mga paaralan at ilang equipment habang nag-ambag ng 10 million pesos ang Philippine Sports Commission para sa iba pang kagamitan.
Tiniyak naman ni Umali na walang outdoor games ang gaganapin simula alas diyes ng umaga hanggang tanghali upang maiwasan ang masamang epekto ng mainit na panahon.
Signal jammers para sa kaligtasan ng mga manonood at delegado, kasado na
Kasado na ang signal jammers na gagamitin ng gobyerno para sa kaligtasan ng mga manunuod at delegado sa Palarong Pambansa sa Binarayan Sports Complex sa Antique.
Alas tres ngayong hapon magbubukas ang palarong pambansa na pangungunahan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Education Assistant Secretary Tonicito Umali, secretary general ng palarong pambansa, ang paggamit ng signal jammers ay bahagi ng mahigpit na seguridad na ipatutupad sa mga venue ng laro simula ngayong araw na ito hanggang sa Abril 29.
Bukod dito, ipinabatid ni umali na bawal ding papasukin ang mga backpack maging ang mga bottled water sa mga lugar ng palaro.
Kabilang sa mga laro sa palarong pambansa ang arnis, athletics, badminton, baseball, basketball, chess, football, gymnastics, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, tennis at volleyball.
By Drew Nacino/Judith Estrada-Larino
Pangulong Duterte pangungunahan ang pagbubukas ng Palarong Pambansa was last modified: April 23rd, 2017 by DWIZ 882