Pinagkalooban ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na nakapatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014.
Ito ang kinumpirma mismo ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon kay roque, nangangahulugan itong makalalaya na at maaari nang makauwi ng Estados Unidos si Pemberton.
Mabubura na rin aniya ng ibinigay na absolute pardon ni Pangulong Duterte kay Pemberton ang isyu sa maaga sanang pagpapalaya kay Pemberton sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sinabi naman ni Roque na wala nang dapat ipaliwanag si Pangulong Duterte sa pagbibigay ng pardon dahil prerogative na ito ng lahat ng presidente ng Pilipinas.
Kaugnay nito, iginiit naman ni Roque na tanging hindi nabura ng ibinigay na pardon kay Pemberton ang katotohanang nahatulan ito dahil sa pagpatay kay Laude.