Pinaiimbestigahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ulat na panunumbalik ng illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nais malaman ng Pangulo kung may sabwatan sa pagitan ng mga sindikato ng droga at mga miyembro ng SAF o Special Action Force na nagbabantay sa Bilibid.
Kinausap na rin aniya ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang Pangulo para palitan ang nagbababantay na SAF ng mga Marines.
Nguni’t, ayon kay Abella ay hindi pa mapagpasyahan dahil abala pa ang mga sundalo sa patuloy na bakbakan sa Marawi City.
Binigyang diin pa ni Abella, na mas paiigtingin pa ng pamahalaan ang kampanya kontra sa iligal na droga at hindi hahayaang tuluyang manumbalik ang illegal drug trade sa NBP.
BuCor dapat nagkaroon muna ng koordinasyon sa PNP
Nais malaman ni PNP Spokesman Chief/Supt Dionardo Carlos ang motibo sa aniya’y sunod-sunod na paninira sa SAF o Special Action Force na nagbabantay sa New Bilibid Prison.
Kasunod ito ng umano’y pagkakasangkot ng mga miyembro ng SAF sa panunumbalik ng iligal na droga sa Bilibid at ang kaso ng isang SAF Trooper na nagnakaw ng two hundred thousand pesos (P200,000.00) na cash at TV sa pambansang piitan.
Ayon kay Carlos, dapat nagkaroon muna ng koordinasyon ang BuCor o Bureau of Corrections sa PNP kaugnay ng mga nasabing insidente bago inilabas sa media.
Nakiusap din ang PNP na pangalanan ang nasabing SAF Trooper at sampahan ng kaukulang kaso.
Gayunaman, iginiit ni Carlos na hindi nila kukunsentihin ang nasabing insidente sakaling mapatunayan itong totoo.
By Krista De Dios | With Report from Aileen Taliping / Jonathan Andal