Isinapubliko na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan na naglalaman ng pangalan ng mga pulitikong nauugnay umano sa iligal na droga.
Sa talumpati sa pulong ng National Peace and Order Council sa Davao City, binasa ng pangulo ang mga pangalan na kabilang sa kaniyang narco list na aniya’y sinampahan na ng kasong administratibo ng Department of the Interior and Local Government.
Kabilang sa listahan ng pangulo ang mga pulitikong nanunungkulan bilang gobernador, bise gobernador, kongresista, alkalde, bise alkalde at ilang konsehal.
LOOK: Listahan ng mga pulitikong pinangalanan ng Pangulong Duterte na kabilang sa ‘narco-list’. | via @jopel17 pic.twitter.com/Gp1Ck4M6nK
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) March 14, 2019
Ilan sa mga pulitikong napabilang sa bagong narco list ng pangulo ay sina Pangasinan Rep. Jesus Celeste na ilang beses na umanong lumabas ang pangalan sa mga sangkot sa sindikato ng droga.
Kasama rin sina Lucena City Mayor Roderick Alcala, Cong. Jeffrey Khonghun ng Zambales at San Rafael, Bulacan Mayor Cipriano Violago Jr.
Muli ring nakasama sa listahan ang mga dati nang nasangkot sa iligal na droga na sina Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot at ang pinatalsik na si dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog.
Gayunman, hindi lahat ng pangalan ay binanggit ng pangulo dahil hindi pa aniya nabeberipika ang iba.
Tiniyak naman ng pangulo na hindi makakalusot ang mga binanggit niyang pangalan dahil dumaan umano ito sa masusing beripikasyon ng mga otoridad.
(with report from Jopel Pelenio)