Pinasalamatan ni Pang. Rodrigo Duterte ang lahat ng healthcare workers at essential frontliners kasabay ng pagdiriwang ng araw ng mga manggagawa kahapon, Mayo a-uno.
Ayon kay Pang. Duterte hindi aniya matatawaran ang pagsisilbi sa bayan ng mga medical at essentials frontliners na naging matibay na kaagapay ng pamahalaan upang hindi maantala ang pagbibigay serbisyo sa mga Pilipino kasabay ng tuloy-tuloy na paglaban ng bansa COVID-19 pandemic.
Bunsod nito, siniguro ni Pang. Duterte na patuloy na ipaglalaban at isusulong ng kanyang administrasyon ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng mga Filipino workers sa loob at labas ng bansa.
Samantala inihayag naman ng Philippine National Police (PNP) na naging maayos at mapayapa ang pagdiriwang ng ika-119th International Workers’ Day o Labor Day kahapon, Mayo a-uno.
Pahayag ni PNP Chief Police General Debold Sinas, na sa kabila ng isinagawang kilos protesta ng nasa 1,850 na demonstrador para ipanawagan ang salary increase o umento sa sweldo ng mga ordinaryong manggagawa ay wala aniyang naitalang anumang paglabag sa health protocols matapos na magpakalat ng 10,366 na mga PNP personnel.
Dakong ala-una naman ng hapon nang tumigil o mag-disperse na ang mga nagsagawa ng kilos protesta.