Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kritiko ng gobyerno partikular ang mga nagsasabing mayroong extra-judicial killings o EJK’s sa Pilipinas.
Ayon kay Pangulong Duterte, mas mabuting araw-arawin na ng mga kritiko ang pagpapalutang ng nasabing isyu kahit hanggang sa buong panahon ng kaniyang termino.
Kitang-kita aniya na talagang sinasakyan ang usapin ng EJK ng kaniyang mga detractors na hindi naman humihinto.
Kaya’t ang mensahe ng Pangulo sa mga sumisigaw na may nangyayaring EJK sa bansa ay huwag siyang tantanan at ubusin ang kanilang panahon sa pagbato sa kaniya ng isyu.
Nanindigan ang Punong Ehekutibo na hindi siya natatakot at mananatili ang kaniyang posisyon sa ‘war on drugs’ ng kaniyang administrasyon.
PNP, DOJ at CHR pinakikilos vs. ‘war on drugs
Hiniling ng ilang abogado sa Korte Suprema na atasan nito ang mga ahensya ng gobyerno na imbestigahan ang lahat ng mga pagpatay na may kinalaman sa giyera kontra iligal na droga.
Sa dalawampu’t anim (26) na pahinang Petition for Mandamus ng grupo ni Atty. Evalyn Ursua, hiniling nila sa SC o Supreme Court na atasan nito ang Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ) at Commission on Human Rights (CHR) na gampanan ang kanilang mandato na itinakda ng konstitusyon at ng international treaty kaugnay sa karapatang pantao na niratipikahan ng gobyerno.
Iginiit nina Ursua na hindi ginagampanan ng mga respondent na sina PNP Chief Ronald Dela Rosa, Justice Secretary Vitaliano Aguirre at Commission on Human Rights Chairman Chito Gascon ang kanilang constitutional duty na pigilan ang mga paglabag sa right to life at imbestigahan ang mga lumabag nito.
Kabilang sa iba pang petitioners ay sina Attorneys Mary Jane Real, Maria Lulu Reyes, Joan Dymphna Saniel at Anna May Baquirin.